Suportado ni PNP Chief Gen. Dionardo Carlos ang naging rekumendasyon ng Department of Health (DOH) na hindi muna ibaba ang kasalukuyang Alert Level status dahil sa banta ng Omicron variant.
Paliwanag ni PNP chief, hindi pa hinog para ibaba ang Alert Level status lalo at holiday season at halos lahat ng tao lumalabas, at minsan nakakalimutan ang pagsunod sa health protocol at binabalewala ang banta ng Covid-19.
Naniniwala si PNP Chief, na sandaling ibaba ang Alert Level status sa mas maluwag na protocol, magkakaroon ito ng malaking impact sa hindi pag obserba sa minimum public health standard sa kabila ng naitatalang daily downward trend ng Covid-19 infection.
Gayunpaman, binigyang-diin ni Carlos na sila ay susunod sa anumang desisyon na ilalabas ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases kung kanilang ibaba sa Alert Level 1 ang status ng bansa pagkatapos ng December 15,2021.
Nakahanda din ang PNP na ipatupad ang anumang batas o executive orders na ilalabas ng mga local government units.
Sa ngayon ang buong bansa ay nasa Alert Level 2, ang second-lowest sa limang alert level system ng COVID-19 protocols.
Sa kabilang dako, ayon kay PNP Spokesperson Col. Roderick Augustus Alba nakalatag na ang seguridad na ipapatupad ng PNP anuman ang ang alert level status na ipatutupad.