Tinawag ni PNP chief Gen. Archie Francisco Gamboa na ‘political stunt’ ang isinusulong na revolutionary government dahil hindi ito napapanahon lalo na at nasa gitna tayo ng COVID-19 pandemic.
Pina-iimbestigahan na ni Gamboa sa PNP CIDG ang grupong nasa likod ng Revolutionary Government.
Ayon kay Gamboa, pinakikilos na niya ang CIDG para imonitor ang nasabing grupo at kung may kaso ba na dapat isampa sa mga nagsusulong nito para sila ay maaresto.
Nilinaw ni Gamboa na bagaman isa siya sa mga nakatanggap ng imbitasyon para sa pagpupulong, walang kinalaman ang pamunuan ng PNP sa naturang panawagan.
Nabatid na ang grupong Mayor Rodrigo Roa Duterte – National Executive Coordinating Committee (MRRD-NECC) nagtakda ng pulong at inimbitahan ang mga opisyal ng pamahalaan para talakayin ang isinusulong na revolutionary government.
Una na itong tinawag ng PNP na labag sa batas.
Maliban dito, sinabi rin ng Department of National Defense na hindi nila suportado ang panawagan ng grupo.