Tiniyak ni PNP Chief PGen. Dionardo Carlos na makakamit ang hustisya ng naayon sa due process sa pagkamatay ng isang 19 na taong binata sa Pampanga matapos na mabaril ng isang pulis.
Ayon kay PNP Spokesperson PCol. Roderick Augustus Alba, inatasan na ng PNP Chief si Police Regional Office (PRO) 3 Regional Director, PBGen. Matthew Baccay na magsagawa ng masusing administratibo at kriminal na imbestigasyon sa insidente.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Bacolor Municipal Police Station ang suspek na kinilalang si PCpl Alvin Pastorin, 33, isang intel officer ng Pampanga Police Provincial Office.
Base sa inisyal na imbestigasyon sinita ni Cpl. Pastorin ang biktima na si Abelardo Vasquez na kasama ng kanyang mga kaibigan sa isang tindahan dahil sa hindi pagsusuot ng facemask.
Dito na nagkaroon ng mainitang pagtatalo at humingi ng saklolo ang biktima sa mga kamag-anak na nag-iinuman sa lugar.
Base sa salaysay ng mga testigo, kinukuyog ng grupo ng biktima ang pulis nang bumunot ito ng baril at pinaputukan ang biktima.
Nagpahayag naman ng pakikiramay si Gen. Carlos sa pamilya ng biktima, kasabay ng panawagan sa mga mamayan na sumunod sa mga Health protocols kung ayaw nilang masita.
Samantala, Kasalukuyan nang nasa piskalaya ang kasong Homicide na inihain laban sa isang pulis na nakadestino sa Bacolor Municipal Police Station at nasa ilalim ngayon ng Restrictive Custody.