Tiniyak ni PNP Chief Lt Gen. Dionardo Carlos na magiging peaceful and orderly ang nalalapit na May 2022 national and local elections.
Ito kasi ang prayoridad ngayon ng bagong talagang PNP chief.
Ipinag-utos ni Carlos sa mga police commanders ang maayos na koordinasyon sa Commission on Elections (COMELEC) at sa kanilang counterpart ang Armed Forces of the Philippines (AFP).
Pinababantayan din ng PNP chief ang mga aktibong private armed groups na nag-ooperate sa Mindanao.
Pina-alalahan din ng Heneral ang mga pulis na maging neutral at non-partisan.
Sa ngayon, pina-plantsa na ang paglilipat sa area of assignment ang mga pulis na may mga kamag-anak na tatakbo sa eleksiyon.
Pakiusap nito sa mga pulis, huwag unahin ang sarili, gawin kung ano ang makabubuti sa PNP organization at sa bayan.
Ayon sa PNP Chief, iimbestigahan, aalisin sa pwesto at sasampahan ng reklamo ang mga pulis na makisawsaw sa pulitika.
“Is there a violation of the Omnibus Election Law. If they violate and we charge them. We remove them, investigate them. Let them answer for that,” pahayag ni Lt. Gen. Carlos.
Mahigpit ang bilin niya sa mga pulis na huwag mangampanya.
Batid kasi ni Carlos na may mga dati at retiradong pulis na tatakbo sa local at national positions.
Giit ni PNP Chief bawal mangampanya sa social media dahil dapat silang maging professional sa kanilang trabaho.
Gayunman, kanyang sinabi na kung maglalahad naman ng personal na opinyon ang isang pulis at maayos naman ang pamamaraan nito ay kanila itong igagalang.
Binigyang-diin ng AFP na sila ay mananatiling non-partisan sa nalalapit na halalan.
Ayon kay AFP Spokesperson, Col. Ramon Zagala na malinaw ang kanilang mandato na panatilihin ang peace and security sa nalalapit na halalan para makaboto ang sambayanang Pilipino.
Sa panig naman ng Philippine Army, ayon kay Army spokesperson Col. Xerxes Trinidad kanila ng pinaalala sa mga tropa na iwasan makisawsaw sa anumang political activity.
Ang pahayag ng AFP at Philippine Army ay bunsod sa naging pahayag ni Presidential bet retired Gen. Antonio Parlade kung saan binanatan nito si Senator Bong Go kung saan
sinabi nito na si Go ay kasama sa problema ng bayan.
Dagdag pa ni Parlade hindi daw sila magka-align ng senador.
Samantala, inatasan ng PNP Leadership ang pamunuan ng MPD hinggil sa isyung panghaharass umano ng mga pulis sa mga supporters ni Pres. aspirant Sen Ping Lacson at VP bet Sen. Tito Sotto.
Sa isang statement sinabi ni PNP Spokesperson Col. Roderick Alba na inatasan na ni MPD Director ang mga station commanders na alamin at imbestigahan kung may katotohanan ang nasabing alegasyon.