Pinatitiyak ni PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar sa mga local police commanders na siguruhing magiging ligtas, maayos at mapayapa ang pagbabakuna sa mga menor-de-edad gayundin sa general public.
Ito’y makaraang aprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekumendasyon ng Inter-Agency Task Force o IATF na naglalayong makamit ang population protection kontra COVID-19 bago matapos ang taon.
Ayon kay Eleazar, bukod sa pagbibigay seguridad ay handa rin ang kanilang Medical Reserved Force para tumulong sa malawakang pagbabakuna kasama na ang mga menor de edad.
Una nang ipinangako ng PNP ang kanilang pagtulong sa pangangalaga sa mga pasyente ng COVID-19 maging ang pagpapagamit sa kanilang kampo kasunod ng kakapusan ng pasilidad at tauhan dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso.
Batay sa datos ng Department of Health (DOH), aabot na sa 20 milyong Pilipino ang bakunado na kontra COVID-19.