-- Advertisements --

Tiniyak ni PNP Chief P/D/Gen. Ronald dela Rosa na hindi nila huhulihin ang mga miyembro ng New People’s Army (NPA) na bababa sa bundok para makapiling ang kanilang mga mahal sa buhay sa panahong umiiral ang unilateral ceasefire na idineklara ng Pangulong Rodrigo Duterte.

Binigyang diin naman ni Dela Rosa na ang AFP at PNP ay magkatuwang sa internal security operations kaya’t kasama rin ang PNP sa unilateral ceasefire declaration ng Pangulo.

Aniya, ibig sabihin nito ay pansamantala ding ititigil ng PNP ang mga operasyon ng kanilang mga public security forces na tumutugis sa NPA sa kabundukan.

Sinabi ng PNP chief na maganda para sa kanila ang naging hakbang ng pangulo dahil mabibigyan ng pagkakataon ang mga pulis at sundalo na makapiling ang kanilang mga mahal sa buhay ngayong kapaskuhan.

Inihayag din nito na ang mga NPA na bababa sa bundok para umuwi sa kanilang mga pamilya ay pababayaan lang ng PNP basta’t wala silang dalang armas, hindi gagawa ng paglabag sa batas, at hindi subject ng outstanding warrant of arrest.

Pero ang mga wanted sa otoridad at may mandamiento de aresto ay kanilang aarestuhin.