Inatasan ni PNP chief Gen. Guillermo Eleazar ang PNP Directorate for Personnel and Records Management (DPRM) na bumuo ng database ng lahat ng mga pulis na nasibak sa serbisyo.
Ipinag-utos din ni Eleazar na agarang resolbahin ang lahat ng motion for reconsideration (MR) ng mga nasibak na pulis, para maharang ang pagtatangkang bumalik sa serbisyo ng mga ito.
Ipinag-utos din ni PNP chief ang PNP Legal Service na pag-aralan kung ano ang pwedeng baguhin sa mga alituntunin ng PNP upang tuluyang tanggalan ng paraan na makabalik sa serbisyo ang mga bugok na pulis, lalu na yung may mga kasong may kinalaman sa ilegal na droga.
“Inatasan ko na din ang ating Legal Service na pag-aralan kung ano ang maaring baguhin o idagdag sa aming rules and regulations para tuluyang isara ang pintuan sa pagbabalik sa serbisyo ng mga natanggal na bugok na pulis, lalo na ang mga sangkot sa paggamit ng iligal na droga,” wika ni Gen. Eleazar.
Sinabi pa ni Eleazar na makikipag-ugnayan ang PNP sa National Police Commission o NAPOLCOM, para mapabilis ang resolusyon ng mga inapelang kaso, upang tuluyang madismiss sa serbisyo ang mga napatunayang tiwali at abusadong pulis.
“Makikipag-ugnayan din tayo sa National Police Commission para mapadali ang resolusyon ng mga appealed administrative cases at tuluyan nang matanggal sa serbisyo ang mga napatunayang tiwali at abusado,” pahayag ni Eleazar.