Tiniyak ni PNP chief Dir. Gen. Ronald dela Rosa na hindi na mauulit pa ang Caloocan incidents sakaling magbabalik sila para pangunahan ang war on drugs.
Ayon kay Dela Rosa, kaniyang sisiguraduhin na ang mga insidente at kaso na kinasangkutan ng mga tauhan ng Caloocan police ay hindi na mauulit pa.
Aniya, marami na silang natutunang leksiyon kaugnay sa kaso.
“Yung Caloocan experience alone is a lot of lessons to be learned so in order to correct this and to prevent this from happening in the future kapag pabalikin kami sa war on drugs,” wika ni Dela Rosa.
Giit ni PNP chief na mas magiging maingat na ngayon ang mga pulis sa paglulunsad ng anti-illegal drug campaign.
Ilan sa mga kaso na naging kontrobersiyal sa Caloocan ay ang pagpatay sa Grade-11 student na si Kian delos Santos, Carl Angelo Arnaiz at ang pagnakaw ng mga pulis sa bahay ng isang matanda.
Ipinaubaya na ng PNP sa Ombudsman ang kaso ni Kian na siyang may jurisdiction na sa kaso.
Tiniyak naman ni Dela Rosa na kaniyang aaprubahan ang anumang rekumendasyon na igawad ng PNP Internal Affairs Service (IAS) sa mga pulis na nakapatay kay Carl Angelo Arnaiz.
“Whatever is the recommended resolution coming from IAS I will wholeheartedly approved and sign it,” pahayag pa ni Dela Rosa.