Tiniyak ni Philippine National Police chief General Guillermo Eleazar na maayos na naihahatid sa mga lungsod sa Metro Manila ang mga bakuna na nanggaling sa cold storage facility sa Marikina.
Ito’y sa kabila ng mga checkpoint na nakalatag sa mga border ng lungsod ngayong umiiral ang Enhanced Community Quarantine.
Ayon kay Eleazar, may mga nakatalaga namang escort sa paghahatid ng mga bakuna at maliban dito, mahigpit ang bilin nya sa mga pulis na paraanin kaagad sa mga checkpoint ang mga cargo.
Dahil dito, walang nagiging problema sa mabilis na pagbiyahe ng mga bakuna kontra COVID-19.
Nabatid na sensitibo ang mga bakuna dahil posible itong mapanis sa maling temperatura at masira kapag nasobrahan sa alog.
Una nang sinabi ng pamunuan ng Pharmaserv express na walang aberya sa pag-iimbak nila ng mga bakuna.
Gayunman, aminado si Eleazar na nagkaroon ng malaking hamon sa paghahatid nito sa iba’t ibang mga LGU.