Tiniyak ni PNP Chief Lt Gen. Dionardo Carlos na maganda ang “working relationship” nito sa kaniyang dalawang senior officers na sina Lt Gen. Joselito Vera Cruz at Lt Gen. Israel Ephraim Dickson na pawang kaniyang mga upperclassmen.
Sina Vera Cruz at Dickson ay miyembro ng PMA Class of 1987 habang si Carlos ay miyembro ng PMA Class of 1988.
Sa isang panayam sinabi ni Carlos na nakausap na niya ang kaniyang dalawang seniors at hiniling sa mga ito ang kanilang suporta sa kaniyang liderato.
Ayon kay Carlos, ipagpapatuloy ng dalawang heneral ang kanilang mga trabaho.
Si Lt.Gen. Vera Cruz ang kasalukuyang Deputy Chief for Administration (TDCA) at commander ng Administrative Support for Covid-19 Task Force (ASCOTF) ang Number 2 man ng PNP na nangangasiwa sa kanilang mga personnel at nakatutok sa kanilang kampanya laban sa Covid-19.
Si Lt Gen. Dickson ang Deputy Chief for Operation (TDCO) ang Number 3 man ng PNP na nakatutok sa Joint Task Force Covid Shield.
“Nag meet ako sa command group. Hindi naman ho bago dahil palaki ako ni Sir Dickson, Battallion mate ko po si Sir Jojo Vera Cruz. So I requested to continue with their role na napaka galing po kasi dito sa ASCOTF. I sat as vice chair ni Sir Jojo Vera Cruz sa ASCOTF so taking care of our own personnel. At the same time si Sir Bong Dickson is the JTF COVID Shield. I just have to be updated on the resolutions, the guidance of the IATF and how we will implement on the ground, pinakiusapan ko sina Sir Jojo and Sir Bong Dickson and then I requested the incoming TCDS, kung kailangan niya ng big brother help, dinaanan ko naman eh sige magtanog ka sa akin. So I think we will have another team that can continue what was started by the previous chiefs of the PNP,” pahayag ni Lt.Gen. Carlos.
Kumpiyansa naman si Carlos na suportado siya ng kaniyang dalawang senior officers.
Sa March 2022 pa magreretiro sa serbisyo sina Vera Cruz at Dickson at ang natitirang miyembro ng PMA Hinirang Class of 1987 sa PNP.
Habang si Carlos ay magreretiro sa serbisyo sa May 8,2022.