-- Advertisements --

CPNP6 4

Tiniyak ni PNP chief Gen. Guillermo Eleazar na mananagot ang kadeteng nanuntok kay Cadet 3rd Class George Karl Magsayo na naging dahilan sa pagkamatay nito.

Hinahanda na rin sa ngayon ang kasong isasampa ng PNP laban sa suspek.

Una nang sinabi ni PNP chief na hawak na ngayon ng Silang Municipal Police Station ang kadeteng si Cadet 2nd Class Steve Cesar Maingat na sinuntok ang biktima ng limang beses sa tiyan na naging dahilan na nawalan ito ng malay.

“Nasa kustodiya na ng Silang Municipal Police Station ang kadeteng nanakit kay Cadet 3rd Class George [Karl] Magsayo at tinitiyak ko na haharapin niya ang mga kaukulang kasong nakatakdang isampa laban sa kanya batay sa magiging resulta ng imbestigasyon,” pahayag ni Eleazar.

Ipinag-utos din ni Eleazar ang malalimang imbestigasyon hinggil sa nasabing kaso.

“May mga nasawi na noon at marami na rin ang naparusahan at na-kick out sa Philippine National Police Academy dahil sa pananakit ng kapwa kadete. Kaya nakakalungkot na may ganito na namang trahedyang naganap dahil may mga iilan pa ring kadete na matitigas ang ulo at tila hindi pa rin naiintindihan ang mga patakaran at batas lalo na sa anti-hazing law,” dagdag pa ni PNP chief.

Siniguro naman ni PNPA director M/Gen. Rhoderick Armamento, mahigpit at istriktong sinusunod ng akademya ang “No to Hazing Policy”.

“The highest values of respect for human life and rights is inculcated among our cadets,” wika ni Armamento.

Binigyang-diin naman ni PNP chief, dapat manaig sa mga kadete ang core values ng PNPA.

” Hindi sa sakitan at sa bugbugan nahuhubog ang pagkatao ng isang kadete, o kahit ninuman kung hindi sa magagandang aral, matalinong palitan ng ideya at tamang pagpapasunod ng kabutihang asal,” wika pa ni Gen. Eleazar.