Tiniyak ni PNP chief Gen. Camilo Pancratius Cascolan na mananagot ang mga pulis sakaling mapatunayang lumabag ang mga ito sa Karapatang Pantao.
Aminado si Cascolan na may mga pulis na sinampahan ng reklamo dahil sa human rights violation lalo na sa kanilang kampanya laban sa iligal na droga.
Sinabi ni PNP chief, nakatutok ngayon ang PNP Internal Affairs Service (IAS) na isa-isang binubusisi ang mga kaso.
May pag-uusap na rin ang PNP sa Department of Justice (DOJ), PCOO, PDEG kasama ang anti-drug council hinggil sa nasabing asunto.
Siniguro ni Cascolan na makikipag-cooperate sila sa iba pang ahensiya ng pamahalaan para lalo pang mapaigting ang kanilang operational activities lalo na sa kampanya laban sa iligal na droga.
Ipinagmalaki naman ni Cascolan na may natututunan na ang mga pulis sa mga ikinakasang anti-illegal drug operation dahil nabawasan na ang mga naitalang paglabag sa karapatang pantao.
” A lot of those who violated human rights and did not follow the rule of law were actually filed the case,” pahayag ni Gen. Cascolan.
Samantala, kinumpirma ni Cascolan na maraming mga programa na ibinigay ng US ang posibleng magkaroon ng epekto gaya ng ATAP, schooling, training, seminars,conferences at joint police exercises sakaling itigil na ng Amerika ang pagbibigay ng security assistance sa PNP at AFP.
Ayon kay Cascolan hanggat buo ang suporta ng Pang. Rodrigo Duterte sa Pambansang Pulisya tuloy ang kanilang misyon at trabaho.
Dahil sa napaulat na human rights violation ng PNP at AFP kaya iminungkahi ng US Congress na itigil ang security assistance sa Pilipinas.
Sinabi ni Cascolan wala silang magagawa kung gugustuhin ito ng Amerika.
” For as long as the PNP has the support of the President, that’s what we are in. Walang problema po sa amin yan,” wika ni Gen. Cascolan.
Sakaling matuloy ang nasabing panukala ng US, bagamat nakakapanghinayang ang nasabing tulong, tuloy pa rin ang PNP sa pagtupad ng kanilang trabaho.
Pagtiyak pa ni PNP chief na nananatiling mataas ang morale ng bawat miyembro ng PNP.