Ipinag-utos ni PNP chief, Gen. Guillermo Eleazar ang malalimang imbestigasyon sa alegasyon ng pangingikil ng mga pulis sa mga nakakulong na mga indibidwal.
Ayon kay Eleazar, nakarating sa kanya ang mga reklamo tungkol sa diumano’y modus ng ilang tiwaling mga pulis kung saan sinasadyang patagalin ang pag-release ng mga detainees kahit may court order na upang pagkakitaan sa pamamagitan ng sinisingil na “board and lodging fee,” “protection fee” at may “visitation fee” pa.
Dahil dito, inatasan ni Eleazar na ang Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) na magsagawa ng imbestigasyon at mga operasyon para matukoy at agad na maparusahan ang mga pulis na sangkot dito.
Nabatid na idinadahilan umano ng mga pasaway na pulis na hindi pa nila maaaring palayain ang mga detenido sa kabila ng kautusan ng korte dahil sa kailangan pa umano nilang tingnan kung may iba pa silang kinakaharap na kaso.
Binigyang diin ni Eleazar na ginagawa dapat ang pagbackground check ng mga detenido matapos ang pag-aresto para malaman kung may iba pa silang kinahaharap na kaso o pinaghahanap dahil sa iba pang mga aktibidad.
Samantala, maliban sa IMEG na mag-iimbestiga, may direktiba na rin si Eleazar sa mga chiefs of police at iba pang unit commanders na palayaim agad ang detenidong may release order mula sa korte.
Ayon kay Eleazar layunin ng kautusan na hindi lamang paggalang sa due process at umiiral na mga batas kungdi maiwasan din ang pananamantala ng mga pasaway na pulis.