-- Advertisements --

Mariing itinanggi ni PNP Chief, Gen. Dionardo Carlos ang alegasyong nakipag-areglo umano siya sa pamilya ni Julian Ongpin na suspek sa pagpatay sa artist na si Bree Jonson.

Ito’y kasunod ng akusasyon ng ina ni Bree na si Sally na inareglo umano si Carlos ng pamilya Ongpin na siyang may-ari ng mamahaling resort sa Balesin Island kung saan siya namalagi nitong weekend.

Magugunitang inamin ni Carlos na nagtungo siya kasama ang kaniyang mga anak sa Balesin Island para duon sila magpalipas ng weekend hanggang sa maaksidente ang chopper ng PNP na susunod sana sa kanila pabalik ng Maynila.

Sa inilabas na pahayag ni Carlos, walang katotohanan na nakipagpulong siya sa pamilya Ongpin para talakayin ang kaso ng pagkamatay ni Jonson at makipag-areglo.

Giit ni Carlos, una nang ibinasura ng piskaliya ang kaso ng pagkamatay ni Bree subalit may nakabinbing apela at matagal nang hawak ng Department of Justice gayundin ng National Bureau of Investigation ang kaso bago pa man siya maitalaga bilang PNP Chief.

Dahil dito, iginiit ng PNP Chief na ang anumang akusasyon na mag-uugnay sa kaniya sa pamilya Ongpin ay walang batayan at hindi makatuwiran.