Kinumpirma ni PNP chief PDGen. Ronald Dela Rosa na nakatakda silang magpupulong kasama ang Commission on Human Rights (CHR) sa Martes, August 29,2017.
Sinabi ni Dela Rosa na nagkita sila nuong Huwebes ni CHR Commissioner Chito Gascon at nagkasundo sila na magpulong para talakayin ang mga issues na may kinalaman sa extra judicial killings at ang insidenteng pagpatay sa 17-anyos na si Kian Delos Santos.
Gaganapin ang pulong nina PNP chief at Gascon sa Kampo Crame.
Hindi naman sinabi ni Dela Rosa kung anong oras ang kanilang pulong.
Pahayag ni PNP chief na kanilang pag-usapan yung mga kasalukuyang issue na kailangang maayos.
Kaliwa’t kanang kritisismo naman ang natanggap ng PNP kaugnay sa pagkakapatay sa 17-anyos na Grade 11 student na si Kian Delos Santos sa police operation.
Sinampahan na rin ng kasong kriminal ang mga pulis Caloocan na sangkot sa pagpatay kay Kian.
Sa kabilang dako, inirekumenda naman ni PNP-Internal Affairs Service (IAS) Inspector General Atty. Alfegar Triambulo na isailalim sa pre-charged investigation ang 14 na mga pulis na sa sangkot sa pagpatay kay Kian.
Hinihinitay na rin ng IAS ang isusumiteng counter-affidavit ng mga sangkot na pulis.
Nanindigan ang IAS na malakas ang ebidensiya para sa sampahan ng kasong administratibo ang mga akusadong pulis.