LEGAZPI CITY – Ipinauubaya na ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Albay sa piskalya ang susunod na hakbang matapos na malaman ang napipintong paglaya ni dating Daraga Mayor Carlwyn Baldo sa pagpayag ng korte na makapaglagak ito ng piyansa.
Matatandaang kabilang ang PNP CIDG sa mga naghain ng kaso sa dating alkalde sa pagkakarekober ng iba’t ibang uri ng hindi dokumentadong armas at bala habang nanguna rin sa imbestigasyon ng paghahanap ng mga akusado sa pamamaslang kay Party-list Cong. Rodel Batocabe noong 2018.
Sinabi ni PNP CIDG Albay chief PMaj. Ronnie Fabia sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nananatili ang pag-asang makukuha ang hustisya sa nangyari habang hindi pa naman aniya huli ang lahat.
Naniniwala naman si Fabia na malakas ang ebidensya na iprinesenta sa korte subalit iginagalang naman ang naging batayan ng Legazpi City RTC Branch 10 sa court decision.
Sa ngayon, hinihintay na rin ni Fabia ang kopya ng kautusan upang pormal na mabasa at makapagbigay ng komento sa naging desisyon.