Iniimbestigahan na ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Anti-Cybercrime Group (ACG) hinggil sa umano’y bentahan ng mga pinekeng negative COVID-19 test result.
Ayon kay chief General Guillermo Eleazar, gumagalaw na ang CIDG at ACG para tingnan ang mga bagay na ito.
Pagtitiyak ni PNP chief na hindi nila pahihintulutan ang ganitong klaseng scam.
Nasa proseso na rin ang PNP sa pagtukoy kung sino ang mga nasa likod nito.
Batay sa ulat na nakuha ng PNP, ang mga pinekeng negative RT-PCR test result na kadalasang ginagamit bilang travel requirement ay ibinebenta sa halagang P1,000 bawat isa.
Magbabayad lang ang bumibili para makakuha ng negative test result kahit hindi naman sumailalim sa mismong swab test.
Samantala hinihikayat naman ni PNP chief ang publiko na agad ipagbigay alam sa mga kinauukulan kung may hawak silang impormasyon tungkol sa iligal na aktibidad at pinaalalahanang huwag tumangkilik sa ganitong mga modus dahil sila ay mahaharap sa asunto.
Hinimok naman ng PNP ang mga naging biktima sa nasabing modus na lumantad at magbigay ng karagdagang impormasyon.