Bigo ang PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na makapagharap ng kaso kaugnay sa mga nawawalang sabungero.
Ito ay sa kabila ng naunang pangako na nuong nakaraang linggo ay maghaharap ng kaso ng kidnapping at serious illegal detention ang CIDG laban sa mga security personnel ng Manila Arena kung saan huling nakita ang anim na kasama sa mga nawawalang sabungero.
Ayon kay CIDG Spokesperson, PLt. Col. Marissa Bruno wala pa silang feedback sa kanilang mga imbestigador na may hawak ng kaso.
Sa kabilang dako, sa pahayag na inilabas ni PNP PIO Chief, PBGen. Roderick Alba, ipinupursige ng mga tauhan ng CIDG ang imbestigasyon at unti-unti nang may mga nakukuhang ebidensya.
Una nito ay nagdesisyon ang Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na suspendihin ang imbestigasyon sa kaso ng mga nawawalang sabungero na umabot na sa 34 upang bigyang daan ang isinasagawang imbestigasyon ng PNP at NBI.
Sinabi ni Alba patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng CIDG hinggil sa nasabing kaso.