Ita-tap ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group ang ibang sources nito sa pagtukoy sa dating PNP chief na umano’y tumulong kina dismissed Bamban Mayor Alice Guo na makapuslit ng Pilipinas at umano’y tumanggap ng buwanang payola kay Guo.
Ito ay matapos na walang makuhang lead sa pakikipag-usap ni PNP-CIDG chief PMaj. Gen. Leo Francisco kay Pagcor senior vice president Raul Villanueva na nagsabi ng naturang unverified information.
Ayon kay Francisco, hindi lamang sila bumabase sa pahayag ni retired general Villanueva kundi nangangalap din sila ng impormasyon mula sa ibang mga sector.
Masusi ding binabantayan umano nila ang nagpapatuloy na padinig sa Senado kaugnay sa POGO para makakuha ng karagdagang impormasyon na maaaring magresulta sa pagtukoy sa pagkakakilanlan ng dating PNP chief.
Iginiit din ng opisyal na kailangan na maipagpatuloy ang imbestigasyon dahil hindi lamang ang dating PNP chief ang kanilang target kundi maging ang ibang mga personalidad na tumulong sa pagtakas nina Guo.
Una na ngang nakipag-kita si Gen. Francisco sa Pagcor official noong nakalipas na linggo base sa direktiba ni PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil subalit hindi nakapagbigay si Villanueva ng mga ebidensiya para patunayan ang kaniyang claim dahil ito ay pawang tsismisan lang umano o usap-usapan ng international community at walang basehan.