Inatasan na rin ni PNP chief Gen. Debold Sinas ang PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na mag-imbestiga sa kaso ni Christine Angelika Dacera na kumpirmado umanong hinalay.
Ayon kay Sinas ang CIDG din ang siyang magbibigay ng subpoena sa mga suspek na sangkot sa Dacera rape-slay case.
Nilinaw din ni Sinas, na katuwang pa rin ng CIDG sa pag-iimbestiga ang Makati City Police Office.
Binigyang-diin ni PNP chief kapag hindi pa rin nagpakita sa loob ng 72 hours ang mga suspek, magsasampa ng direct contempt ang CIDG.
Inihayag ni Sinas na batay sa CCTV maraming mga indibidwal pa ang nakitang labas masok sa hotel room ni Christine bukod pa sa mga tinukoy na suspeks, kaya posibleng madagdagan pa ang bilang ng mga suspeks na tutugisin ng PNP CIDG.
Kinumpirma rin ni Sinas na mayroon ng surrender fillers na natatanggap ang PNP mula sa mga suspek.
Bagaman may mga nagpahayag ng susuko, hindi naman sinabi ni Sinas kung ilan ang mga ito.
Siniguro rin naman ni Sinas na walang mangyayari sa mga suspeks kung sila ay susuko kaya maari silang sumurender kasama ang kanilang abogado at pamilya.
Aminado si Sinas na may hawak ng motibo ang PNP pero hindi niya muna ito idinetalye habang gumugulong pa ang imbestigasyon.
Sinabi ni Sinas mahigit 11 na ang suspek ngayon sa krimen na kanyang pinanindigan na kaso pa rin ang rape.
Hindi naman maipaliwanag ni Sinas ang medico legal report na lumabas sa social media na raptured aneurysm ang ikinamatay ni Dacera.
Sinabi naman ni Sinas na maari naman ito mangyari pero hintayin na lang resulta ng pinal na imbestigasyon.
Samantala, ipinaliwanag ni Sinas na “case solved” ang kanilang ginamit na termino dahil may mga naaresto ng suspek, iba umano ito sa “case closed.”
Sa kabilang dako, lubos naman ang pasasalamat ni Mrs. Sharon Dacera sa PNP at sinabing kontento siya sa itinatakbo ng imbestigasyon.
Naniniwala ang ginang na makakamit nila ang hustisya sa pagpatay sa kanyang anak.