Kinikwestiyon ng Philippine National Police-Criminal Investigation Group (PNP-CIDG) ang paraan nang pag-dismiss ng panel ng National Prosecution Sevice (NPS) ng Department of Justice (DOJ) sa kaso nina Kerwin Espinosa, Peter Lim, Peter Co, Lovely Impal at iba pang drug personalties
Sa panayam kay CIDG Chief Director Oscar Obusan, kaniyang sinabi na imposibleng “sweeping” ang magiging desisyon ng prosekusyon sa pag-absuwelto sa kaso nina Espinosa.
Dahil dito, agad silang nagsumite ng motion for reconsideration upang mabaligtad ang desisyon ng NPS.
Paliwanag ng heneral, base sa kanilang mga naisampang kaso at mga naibigay na mebidensya ay naniniwala sila na may merito ang kaso laban sa tinaguriang drug lord ng Eastern Visayas.
Kabilang dito ang testimonya ng driver-bodyguard ni Kerwin na si Marcelo Adorco na ikinokonsiderang na malakas na ebidensiya.
Ikinatuwa naman ni Obusan ang naging hakbang ni DOJ Secretary Vitallano Aguirre matapos na ipag-utos nito ang pagbuo ng panibagong panel na tututok sa pag-review sa naging desisyon ng unang panel ng state prosecutors.
Nanindigan naman si Obusan na walang “inconsistencies” sa kanilang mga inihaing ebidensiya.
Sinabi pa ni Obusan na December 20, 2017 ay nagbaba na ng resolusyon ang prosecution panel sa kaso nina Kerwin pero natanggap ng CIDG ang kopya noong Febreuary 7, 2018 lamang.