Umuusad na ang isinasagawang case build-up ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) laban kay Agnes Tubales, ang umano’y recruiter ng pinatay na Pinay worker sa Kuwait na si Joanna Demafelis.
Bukod kay Tubales, iniimbestigahan na rin sina Ara Midtimbang, Marissa Asanji at ang mga opisyal na nagpapatakbo ng Our Lady Of Mt. Carmel Global E-Human Resources Inc.
Si Asanji ay kasalukuyang nasa kustodiya ng National Bureau of Investigation (NBI).
Tiniyak naman ni CIDG chief P/Dir. Roel Obusan na makikipag-ugnayan sila sa NBI kaugnay sa nasabing kaso.
Sa ngayon, hindi pa nila itinuturing na suspek si Tubales dahil wala pang basehan para dito.
Inihayag ng opisyal na nais din nila na mabatid ng publiko ang umano’y mga modus sa recruitment kung saan nagpapanggap daw na empleyado ng Mt. Carmel si Tubales pero hindi naman dahil ang kanilang natatanggap mula sa agency ay commission basis lamang.
Tukoy na rin ng CIDG ang may-ari ng Mt Carmel at kanila na rin ito ipapatawag para sa ilang katanungan.
Una nang inamin ni Tubales na nasa P13,000 ang komisyon na kaniyang natanggap dahil kay Joana.