Patuloy sa pagbaba ang bilang ng COVID-19 active cases sa hanay ng Philippine National Police (PNP).
Sa datos na inilabas ng PNP Administrative Support for Covid-19 Task Force (ASCOTF) mula sa Health Service as of October 31, 2021, nasa 495 ang naitalang COVID-19 active cases kumpara kahapon na nasa 520.
Nasa 23 naman ang naitalang bagong kaso ngayong araw habang kahapon nakapagtala ang PNP ng 36 new cases.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo kay PNP Deputy Chief for Administration (TDCA) at ASCOTF Commander Lt. Gen. Joselito Vera Cruz, kaniyang sinabi na ang bilang ng active cases ngayong araw ay hindi ang siyang pinakamababa sa kanilang data monitoring.
Ayon sa Heneral, kalagitnaan nuong buwan ng Pebrero hanggang sa unang linggo ng March 2021 nakapagtala ang PNP ng mas mababang active cases kada araw.
” Hindi Anne, based dito sa graph ng PNP wide daily active cases,” mensahe ni Lt.Gen. Vera Cruz sa Bombo Radyo.
Magugunita na nuong buwan ng September, sumirit sa mahigit 3,400 ang active cases sa PNP, na siyang kasagsagan ng hawahan ng Delta variant.
Sa kabuuan, ang PNP ay nakapagtala ng 41,828 COVID-19 cases, kung saan nasa 41,210 ang gumaling sa sakit habang nasa 123 ang nasawi.
Una ng sinabi ni Vera Cruz na malaking bagay ang pagbabakuna laban sa virus dahil nagbibigay ito ng proteksiyon laban sa nakamamatay na virus.
Sa ngayon nasa mahigit 98% na sa PNP ang nabakunahan ng COVID-19 vaccine.