Sumirit sa 107 ang bagong COVID-19 cases na naitala ng Philippine National Police (PNP) ngayong araw.
Kasama na sa nasabing bilang si PNP chief Gen. Dionardo Carlos na positibo sa COVID.
Sa datos ng PNP Health Service mula sa 57 active cases kahapon tumaas ito ngayon sa 164 active cases.
Walang naitalang bagong recoveries at nasawi ngayong araw.
Ayon kay PNP deputy chief for administration at ASCOFT commander Lt. Gen. Joselito Vera Cruz, ang pagtaas ng kaso sa kanilang hanay ay dahil sa pinalakas na RT-PCR testing sa kanilang mga tauhan lalo na yung mga nanggaling sa bakasyon.
“Expected talaga na tataas pa ang new cases Anne since nag i-intensify kami ng rtpcr testing especially dun sa mga galing ng bakasyon,” mensahe ni Lt.Gen. Vera Cruz sa Bombo Radyo.
Sinabi ni Vera Cruz sa National Headquarters nakapagtala ang Health Service na nasa 22 ang bagong Covid-19 cases, 25 sa NASU, 47-NOSU at 13 sa mga Police Regional Offices.
Sa ngayon nasa 42,081 ang kabuuang bilang ng mga naka rekober mula sa sakit, habang 125 ang bilang ng mga nasawi dahil sa Covid-19 infection.