Sumampa na sa 110 ang bilang ng mga namatay sa COVID-19 sa Philippine National Police (PNP) matapos madagdag sa talaan ang isa pang pulis.
Ayon kay PNP chief General Guillermo Eleazar, ang nasawi ay isang 52-anyos taong gulang na lalaking pulis na nakatalaga sa Western Visayas.
September 9 nang isinugod sa ospital sa Iloilo City ang pulis makaraang mahirapan sa paghinga.
Pero agad ding binawian ng buhay ang pulis dahil sa cardiac arrest at pneumonia.
Nabatid na nakumpleto na ng pulis ang bakuna kontra COVID-19 noong Agosto 3.
“I would like to extend the PNP’s sincerest condolences to the bereaved family and assure them that all benefits and assistance will be given,” pahayag ni Eleazar.
Sa datos ng PNP Health Service, umabot na sa 37,566 ang mga tinamaan ng coronavirus sa PNP, 34,771 ang mga gumaling at 2,685 ang aktibong kaso.
Samantala, pumalo na sa mahigit 210,000 tauhan ng Philippine National Police (PNP) ang naturukan ng bakuna kontra COVID-19.
Ayon kay PNP chief, 124,758 PNP personnel o 56,02 percent ang fully vaccinated habang 85,877 PNP personnel o 38.56 percent ang nakatanggap na ng unang dose ng bakuna.
Mayroon na lamang 12,076 PNP personnel o 5.42 percent ang hindi pa nababakunahan.
Gayunpaman, pinayuhan ni Eleazar ang mga pulis lalo ang mga nasa frontline na doblehin ang pag-iingat kahit nabigyan na ng bakuna.
Ito ay matapos masawi sa COVID-19 ang isang pulis mula sa Western Visayas bagama’t nakumpleto na ang bakuna laban sa coronavirus.
“Sa ating mga pulis, dobleng pag-iingat pa rin ang gawin kahit kayo ay kumpleto na ng bakuna lalo na ang mga nasa frontline,” pahayag pa ni Eleazar.