-- Advertisements --

Sumampa na sa 100 ang Covid-19 fatalities ng PNP as of August 23,2021.

Ito’y matapos pumanaw ang 44-anyos na Police Staff Sergeant mula sa Ilocos Norte dahil sa Covid-19 infections kahit ito ay bakunado na ng Covid-19 vaccine.

Ayon kay PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar, may iniinda nang karamdaman ang naturang pulis at siya ay sumasailalim sa dialysis dulot ng kaniyang Chronic Kidney Disease.

Aniya, naka-work from home status na ang nasabing pulis mula nang magsimula ang pandemiya subalit kamakailan lang ay agad itong isinugod sa ospital matapos makaranas ng hirap sa paghinga subalit hindi na nito kinaya.

Batay sa pinakahuling datos ng PNP Health Service, aabot sa 150 ang naitala nilang bagong kaso na siyang dahilan kaya’t sumampa na ito sa kabuuang 33,348 kung saan nasa 1,846 dito ang aktibong kaso.

Gayunman, nakapagtala rin ang PNP ng 116 na mga bagong gumaling sa sakit kaya’t sumampa na sa 31,492 ang total recoveries habang nasa 88,940 naman ang fully vaccinated na sa kanilang hanay.