Nadagdagan pa ng dalawa ang mga nasawi dahil sa COVID 19 sa hanay ng Philippine National Police (PNP).
Dahil dito, umabot na sa 106 ang mga nasawi sa kanilang hanay.
Ayon kay PNP Administrative Support for Covid-19 Task Force Lt. Gen. Joselito Vera Cruz, si Patient 105 ay isang Patrolman, 25-anyos, trainee ng Basic Internal Security Operation Course (BISOC), naka-assign sa Regional Personnel Holding and Accounting Section.
Bakunado ito ng 1st dose ng Sinovac.
Nagkaroon ito ng septic shock at community acquired pneumonia na pinalala ng COVID 19.
Naka confine ito sa Balaoan District Hospital sa La Union kung saan ito nag expire noong August 24, 2021.
Habang si Patient 106 naman ay isang Police Executive Master Sergeant ay 54-anyos, naka-assign sa Masbate Police Provincial Office.
Bakunado na rin ng 1st dose ng AstraZeneca.
Sinabi ni Vera Cruz, nagkaroon ito ng acute respiratory distress syndrome secondary to COVID 19.
Nag-expire ito sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital nuong August 26,2021.
Nagpa-abot naman ng kaniyang pakikiramay si PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar sa pamilya ng dalawang pulis at iniutos ang agarang tulong.
“Ako po ay lubos na nakikiramay sa pamilya ng ating mga pulis na namatay at agad na nag-utos sa kanilang hepe ng agarang tulong,” pahayag ni Eleazar.
Samantala, nanatiling mataas ang bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa PNP kung saan nakapagtala sila ng 219 bagong kaso habang nasa 2,022 naman ang active cases.
Sa kabila ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 cases nakapagtala naman ang PNP ng 219 recoveries.