Pumalo na sa 115 ang bilang ng mga nasawi sa COVID-19 sa hanay ng Philippine National Police (PNP) matapos madagdag sa talaan ang isa pang pulis.
Ito ay batay ito sa datos ng PNP Health Service ngayong araw, Setyembre 24, 2021.
Ang ika-115 pulis na nasawi ay isang 54-anyos na naka-assign sa Camp Crame.
Ayon kay PNP Chief, General Guillermo Eleazar, Setyembre 17 nang magpositibo sa COVID-19 si Patient No. 115 kaya inadmit ito sa Kiangan Quarantine Facility.
Noong Setyembre 18 ay dinala na ito sa ospital dahil nahirapan nang huminga at noong Setyembre 20 ay na-intubate na habang nasa intensive care unit.
Noong Setyembre 23, isang kaanak nito ang nagpaalam sa PNP na pumanaw na ang biktima dahil sa Cardiac Arrhythmia at Pneumonia.
Batay naman sa PNP Health Service, ang pumanaw na pulis ay may comorbities at nakatanggap na ng unang dose ng COVID-19 vaccine.
“All the assistance and needs will be given to the bereaved family and I would like to extend the PNP’s sincerest condolences,” ayon kay Eleazar.
Sa kabuuan, umabot na sa 38,916 ang mga dinapuan ng coronavirus diseases 2019 sa PNP kabilang na ang 144 new cases.
Nakapagtala naman ng 168 new recoveries kaya umabot na sa 36,535 ang mga gumaling sa sakit.
Nasa 2,266 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa PNP, mababa kung ihahambing sa naitalang 2,291 kahapon.