Nadagdagan na naman ang bilang ng mga nasawi dahil sa COVID-19 sa hanay ng Philippine National Police (PNP).
Ito ay makaraang masawi ang 49-anyos na police commissioned officer na naka-assign sa Cagayan de Oro City Police Office na siyang ika- 69 na casualty ng nakamamatay na virus.
Ayon kay PNP chief Gen. Guillermo Eleazar, noong May 30 nang isugod ito sa ospital matapos na makaranas ng hirap sa paghinga, na-intubate at isinailalim sa swab test bago na-isolate.
Kinabukasan, nakumpirma itong positibo sa COVID-19 subalit inalis sa intubation matapos bumuti ang kalagayan nito subalit ibinalik muli sa intubation noong June 4.
Noong June 5 hindi na kinaya ng pulis ang biglaang pagbagsak ng kaniyang oxygen level dahilan upang tuluyan na itong pumanaw.
Nagpaabot naman ng pakikiramay si PNP chief Gen. Guillermo Eleazar sa pamilya ng yumao nang pulis at tiniyak ang karampatang tulong na ibibigay sa kanila.
Sa ngayon, may 24,950 na ang kabuuang bilang ng mga pulis na tinamaan ng virus matapos itong madagdagan ng 119 kahapon kung saan ay nasa 1,812 ang active cases.