Dalawa pang pulis ang nadagdag na nasawi dahil sa COVID-19 infections, isa dito ay may ranggong tinyente na nakatanggap na ng first dose ng vaccine, matapos magpositibo sa nakamamatay na virus.
Dahil dito, sumampa na sa 84 ang nasasawi sa hanay ng Philippine National Police (PNP) dahil sa magkakasunod na fatalities.
Ikinalungkot ni PNP chief Gen. Guillermo Eleazar ang pagkasawi ng kaniyang dalawang tauhan.
“It is with a heavy heart that we announced today the death of two more police personnel which bring the total deaths in the PNP to 84”, wika ni Gen. Guillermo Eleazar.
Batay sa datos ng PNP Health Service, si Patient 83 ay may ranggong tinyente, 51-anyos at naka- assign sa Tuguegarao City.
Noong Hulyo 23, ay nagpakonsulta siya dahil sa lagnat, body malaise at sore throat.
Sa nasabi ring petsa ay sumailalim siya sa laboratory examination at RT-PCR tests.
Noong Hulyo 25, natanggap niya ang positive result at pinayuhang mag-quarantine. Hulyo 27 ay dumanas siya hirap sa paghinga.
Hulyo 30 ay lumala ang kondisyon at pagsapit ng alas-4:00 ng madaling araw ay pumanaw.
Samantala, si Patient 84 naman ay 42-anyos at may ranggong staff sergeant na naka-assign sa Camp Crame at naospital dahil sa kidney malfunction subalit negatibo sa COVID-19.
Noong Hulyo 13, ay isinailalim muli sa RT-PCR test na nagpositibo at pumanaw noong Hulyo 29.
“Lubos po akong nakikiramay sa pamilya ng ating mga namatay na pulis at ano man pong tulong na aming makakaya ay amin pong ipaaabot sa inyo,” pahayag ni Eleazar.