Nadagdagan pa ang bilang ng Covid-19 fatalities sa hanay ng Philippine National Police (PNP) kung saan sumampa na 85 ang nasawing police personnel, matapos pumanaw ang isang pulis na naka-assign sa Cebu.
Batay sa datos ng PNP-Health Service, si Patient No. 85 ay 51-anyos at may ranggong Police Executive Master Sergeant na namatay noong Agosto 1.
Sinabi ni PNP Chief, General Guillermo Eleazar na ang sanhi ng kamatayan ng biktima ay Severe Acute Respiratory Illness secondary to COVID-19.
Noong Hulyo 30 ay dumanas ang biktima ng mild symptoms ng COVID-19 at noong Hulyo 31 ay sumailalim ito sa RT-PCR test at positive ang result.
Alas-3 ng hapon noong Agosto 1 ay idineklara itong patay ng kaniyang attending physician.
Nagpa-abot naman ng pakikiramay si PNP Chief sa pamilya ng pulis.
Ang nasawing pulis ay nakatanggap na ng unang dose ng Covid-19 vaccine.
Sa ngayon, nasa 30,745 ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa PNP kabilang ang bagong kaso na 110 habang ang mga gumaling ay nasa 29,383 makaraang madagdag ang new recoveries na 104.
Nananatili naman sa iba’t ibang ospital para gamutin ang 1,277 pulis na infected ng Covid-19 virus.