Ipinaabot ni PNP chief Gen. Guillermo Eleazar ang kanyang pakikiramay sa pamilya ng ika-124 na tauhan ng PNP na nasawi dahil sa COVID-19.
Kinilala ang huling biktima na isang 35-anyos na pulis naka-assign sa Western Mindanao na nasawi dahil sa COVID-19 noon pang Oktubre 17, pero nitong weekend lang iniulat at nakumpirma ng PNP Health Service.
Matapos ang inisyal na pag-tanggi na magpatingin sa doktor sa kabila ng payo ng kanyang hepe, ipinasok ito sa ospital noong Oktubre 14, kung saan nagpositibo ito sa rapid antigen test.
Noong Oktubre 17 ng gabi ay idineklara ng kanyang doktor ang pagkamatay ng biktima dahil sa “Respiratory Failure secondary to Covid 19”.
Payo naman ni Eleazar sa mga tauhan nilang makakaranas ng sintomas ng COVID-19 na agad magpatingin sa doktor para sa kanilang sariling kaligtasan at maging ng kanilang pamilya.
Ngayong araw, nakapagtala ang PNP na anim na bagong kaso habang nasa 300 naman ang kanilang COVID-19 active cases.