-- Advertisements --

Aminado ang PNP Crime Laboratory na posibleng maraming mga pulis ang nakakalusot sa kanilang isinasagawa nilang random drug test.

Sa ngayon ay nasa 216 na mga pulis mula sa kabuuang 160,000 na strong PNP personnel sa buong bansa ang nagpositibo sa paggamit ng iligal na droga kasama na rito si PSupt. Lito Cabamongan.

Ayon kay PNP Crime Lab Director, CSupt. Aurelio Trampe na ang nasabing bilang ng mga pulis na gumamit ng droga ay simula umupo ang administrasyong Duterte.

Pahayag ni Trampe na ang mga pulis na ito ay nagpositibo sa isinagawang confirmatory test ng crime lab at ngayon ay pawang mga tinanggal na sa kanilang mga pwesto.

Sinabi nito na kanila na ring inirekomenda sa PNP Internal Affairs Service (IAS) ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga ito para sa proseso ng ganap na pagtatanggal sa kanila sa serbisyo.

Ayon kay PSupt. Victor Drapete, chief chemistry division ng Crime Lab na malaki ang posibilidad na marami pang mga pulis ang nakalulusot sa drug test.

Ito aniya ay dahil tumatagal lamang sa katawan ng hanggang pitong araw ang bahid ng iligal na droga kapag ito ay ginamit.

Posible kasi aniyang lagpas na ng pitong araw bago nataon na naisa ilalim sa random drug test ang police personnel na gumamit ng iligal na droga kaya nag negatibo ang resulta.

Pahayag ni Drapete na matityempuhan din ang mga pulis na sangkot sa paggamit ng iligal na droga dahil hindi naman inia-anunsyo ang pagsasagawa nila ng drug test para hindi mapaghandaan ng mga adik na pulis.