Inatasan na ni PNP Chief Lt. Gen. Guillermo Eleazar ang PNP Crime Laboratory para makipag-ugnayan sa liderato ng 8th Infantry Division kasunod nangyaring sagupaan sa Dolores, Eastern Samar kung saan 18 miyembro ng New People’s Army (NPA) ang nasawi.
Ito’y matapos hiniling ng pamunuan ng 8th Infantry Division ng Philippine Army ang tulong ng PNP forensic expert na tulungan silang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga nasawing rebelde.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo kay PNP chief, sinabi nitong kaniya ng inatasan ang PNP Crime Laboratory na ibigay ang kaukulang tulong sa militar.
Sinabi ni Eleazar mayruon na siyang direktiba sa pinuno ng PNP Crime Laboratory hinggil sa tulong na nire-request ng AFP.
“We will provide appropriate assistance Anne, may instruction na ako sa Crime Lab natin,” mensahe na ipinadala ni Gen. Eleazar sa Bombo Radyo.
Una ng sinabi ni 8th Infantry Division commander MGen. Pio Dinoso na hiniling nila ang tulong ng PNP Forensic expert para tulungan silang i-identify ang mga 18 bangkay na napatay sa enkwentro kung saan lima dito ay babae at 12 naman ang lalaki.
Inihayag naman ng AFP na may mga miyembro na rin ng PNP-SOCO ang nagtungo sa encounter site para iproseso ang crime scene.
Siniguro naman ng AFP na mabibigyan ng disenteng libing ang mga nasawing rebelde.