Ipapatawag ng Philippine National Police Civil Security Group (PNP-CSG) ang babaeng nagtitinda ng sampaguita na nag-trending online matapos ipagtabuyan at sipain ng isang guard sa mall sa Mandaluyong.
Ayon kay PNP-CSG spokesperson Lt. Col. Eudisan Gultiano, bahagi ito ng preliminary evaluation kung mayroon nga bang sapat na dahilan para magsampa ng administrative complaint laban sa security guard.
Una nang humarap ang security guard at representative ng agency nito sa isang “clarificatory meeting” sa PNP kahapon, Lunes, January 20. Nangako na rin ang guwardya na magsusumite ito ng affidavit ngayong linggo.
Ayon pa kay Gultiano, sakaling hindi sumipot ang sampaguita vendor ay magtutuloy-tuloy pa rin ang preliminary evaluation.
Dagdag pa rito, posibleng managot ang guwardiya sa paglabag sa Republic Act No. 11917 o ang Private Security Services Industry Act. Kabilang sa mga parusa ang suspensyon ng lisensya ng guwardiya at multa para sa security agency.