Pinayuhan ng PNP Anti-Cybercrime Group (PNP ACG) ang publiko na maging maingat sa pagbebenta o pagpapalit ng mga cellphone.
Ginawa ng PNP-ACG ang naturang apela, kasunod ng pagkakahuli sa isang lalake na umanoy nag-blackmail sa isang minor na babae.
Ayon kay ACG acting director Brig. Gen. Ronnie Francis Cariaga, nakabili ang suspek ng cellphone mula sa isang tiangge kung saan ang naturang cellphone ay naglalaman ng mga nude photos ng biktima.
Lumalabas sa pagsisiyasat ng pulisya na ang cellphone na iyon ay ang ibinentang cellphone ng dating boyfriend ng menor at hindi ito nabura nang ibinenta sa ibang indibidwal.
Ayon kay Cariaga, humihingi umano ang suspek ng pera mula sa minor kapalit ng pagbura niya sa mga hubad na larawan ng huli.
Agad din namang nagkasa ng operasyon ang ACG sa Quezon City at nahuli ang suspek na kinilala lamang sa alyas na ‘Arvin’.
Pinayuhan ni Gen. Cariaga ang publiko na kung ibebenta man o ipalit ang kanilang mga lumang cellphone, dapat ay nabura ang lahat ng data, naka-log out sa lahat ng account, at nabalik sa ‘factory reset’.
Mahalaga aniya na maprotektahan ang mga personal na impormasyon sa mga mobile gadget upang matiyak na walang nagiging problema kapag ibinenta o ipinalit ang mga ito.
Samantala, nasampahan na rin ng patong-patong na kaso ang suspek kabilang na ang paglabag sa Anti-cybercrime Law at paglabag sa Online Sexual Abuse and Exploitation of Children.