DAVAO CITY – Inaasang bubuuhin ng Davao City Police Office ang isang Task Force na magsasagawa ng malawakang imbestigayon hinggil sa pagkamatay ng negosyanteng si Yvonette Plaza Chua.
Ayon kay DCPO Spokesperson Police Major Catherine Dela Rey, pangungunahan ni DCPO Chief Colonel Alberto Lupaz ang isang Special Investigation Task Group na magsisiyasat sa totoong motibo ng naturang krimen.
Kinumpirma rin ito ni Police Regional Office 11 spokesperson Police Major Eudisan Gultiano, at aniya’y naayon ito sa ipinapatupad na mandato ni PRO 11 Regional Director Brigadier General Benjamin Silo Jr.
Inaasahan na matutukoy at papanagutun rin sa batas ng naturang Task Force ang mga salarin sa pagpaslang kay Chua.
Ibinunyag rin ng kapulisan na hindi lamang isa o dalawa ang itinuturo ngayon na mga persons of interest ngunit hindi pa ito kinukumpirma ng pulisya.
Tinututukan din ang posibleng anggulong personal na galit at pagnanakaw sa krimen.
Bago pa man namatay si Chua, nag-post ito sa social media ng mga larawan na nagpapakita na animo’y nabugbog ito.
Nagkataon na nag-post rin ang isa sa mga kamag-anak ni Chua na nagtuturo sa isang opisyal ng AFP na nakadestino sa Davao de Oro bilang mastermind sa naturang krimen.
Matatandaang napatay si Chua noong ika-28 ng Disyembre, bandang alas-7:45 ng gabi sa mismong nirerentahang tahanan ng biktima sa Buttercup Green Meadows, Brgy. Sto. Nino, Tugbok, Davao City.
Maglalabas ng opisyal na pahayag ang PRO 11 hinggil sa murder case ni Yvonette Chua.