Nanindigan ang pamunuan ng Philippine National Police Davao na walang naganap na implementasyon ng umano’y reward system kasabay ng pagpapatupad noon ng war on drugs ng nakalipas na administrasyong Duterte.
Ayon sa PNP-Davao , wala silang ideya kung ano ang sinasabing “Davao model” na una nang naungkat sa ginawang pagdinig ng House Quad Committe hinggil sa umano’y EKJs noong nagdaang administrasyon.
Sinabi ni DCPO spokesperson Police Captain Hazel Tuazon , na hindi sila nagpatupad ng reward o quota system upang patayin ang mga drug suspects sa kanilang ikinakasang mga drug operations.
Sa ngayon, patuloy aniya ang kanilang isinasagawang pagpupulong kasama ng mga station commanders upang talakayin kung paano pagtitibayin ang mga operasyon.
Layon nitong maging positibo at matagumpay ang lahat ng kanilang ikinakasang operasyon laban sa ilegal na droga.
Si dating Pangulong Duterte ay matagal na nanungkulan bilang alkalde ng Davao City.
Idinawit din ni dating PCSO GM Royina Garma ang dating pangulo sa umano’y reward at quota system sa pagharap nito sa makapangyarihang komite ng Kamara.
Ayon kay Garma , umaabot ng isang milyong piso ang halaga ng pabuya para sa pagpatay sa isang drug suspect bagay na itinanggi ng kampo ng dating pangulo.