-- Advertisements --

Dadaan sa proper channels ang sinumang manghihingi ng datos kaugnay sa umano’y mga kaso ng human rights abuses sa ilalim ng Duterte administration.

Ayon kay PNP Spokesperson CSupt. John Bulalacao, istrikto nilang oobserbahan ang protocol sa pagpapalabas ng impormasyon na may kinalaman sa National Security lalo na ang mga impormasyon na may kinalaman paglabag sa karapatang pantao.

Ito ay kasunod sa direktiba ng Pangulong Rodrigo Duterte sa PNP na huwag pansinin ang UN rapporteurs na mag-iimbestiga sa umanoy human rights abuse sa Pilipinas.

Aniya, ang anumang impormasyon na hihingin ng mga international bodies ay kailangang dumaan sa proper channels.

Paliwanag ni Bulalacao, ang PNP ay nasa ilalim ng executive branch ng pamahalaan kaya ang mga mas nakakataas ang makapagpapasya kaugnay ng usaping ito.

Nauna rito, tinutulan din ni PNP chief PDG Ronald Bato delarosa ang pagrerelease ng mga sensetibong case files sa CHR na may kaugnayan sa pagakamatay ng mga drug personalities sa kampanya kontra droga.

” Ang PNP bilang isang ahensya ng pamahalaan na nasasakupan or under the executive department ay may protocol na sinusunod lalo na sa pagrelease ng mga information na may kinalaman sa national security so anumang request ng international or local organizations tungkol dito ay kailangan dumaan sa proseso at proper channels. So kung kami ay makakatanggap ng mga request kagaya nito ay idadaan namin ito at hahayaan namin na ang  magbigay ng approval ay yung higher ups,” pahayag ni Bulalacao.

Nilinaw naman ng heneral, na ang pagsunod sa protocol ng PNP ay hindi ibig sabihin na wala ng maaasahan na impormasyon ang mga may nais na humingi ng datos.

Pagtiyak ni Bulalacao na ibibigay na man nila ang mga hinihinging datos sa kanila, subalit kailangan lamang ng approval mula sa nakakataas.