-- Advertisements --

Hindi umano magdadalawang-isip ang mga pulis na arestuhin ang mga miyembro ng Kadamay sakaling okupahan ng mga ito ang mga bahay sa isang housing project sa Rodriguez, Rizal.

Ayon kay PNP Chief Oscar Albayalde, trespassing ang ginagawa ng mga miyembro ng Kadamay dahil ang mga bahay na kanilang ookupahin ay may mga may-ari.

Giit ng hepe ng pulisya, paglabag sa batas ang ginagawa ng mga miyembro ng Kadamay kaya maaari silang arestuhin ng mga pulis.

Hindi raw patas ang ginawa ng mga Kadamay dahil ang mga nasabing housing units ay pinaghirapang bayaran ng mga pulis at sundalo.

Tiniyak ni Albayalde na hindi magtatagumpay ang mga ito dahil ipapatupad nila ang batas.

Aniya, posibleng nasanay ang mga miyembro ng Kadamay sa ginawa nila noong una sa Bulacan.

“Yung basta basta mo na lang kukunin yung bahay ng may bahay. Hindi naman siguro pwede ‘yun. Remember ‘yung mga bahay na iyon, yung iba nabili na, ‘yung iba napakagdown na ‘yung mga pulis at AFP dyan at hindi naman maganda siguro na basta basta mo na lang kuhanin ng ganun. Siguro nasanay sila, sa Bulacan na tinolerate sila but then this is a different story,” pahayag ni Albayalde.