ILOILO CITY – Hindi na umano magsasagawa ng motu proprio investigation ang Police Regional Office (PRO)-6 laban sa tatlong pulis na nag-iskandalo sa isang disco bar and restaurant sa lungsod ng Iloilo.
Ang mga sangkot na pulis ay kinilala lamang sa kanilang apelyido na P/CMSgt. Dinggal; P/SMSgt. Mallorca at P/SSgt. Maboque.
Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Atty. Samson Go, chief ng Legal Affairs Division ng Regional Internal Affairs Services (RIAS) ng PRO-6, sinabi nito na hindi sila maaaring magsagawa ng motu proprio investigation kung walang complainant o ang nagreklamo.
Kabilang sa mga basehan ng RIAS sa pagsasagawa ng motu proprio investigation ay kung ang isang pulis ay bumunot ng service firearms; pumatay o lumabag sa pagsasagwa ng police operation; kung ang mga ebidensiya na hawak ng pulis ay binago o nawala; kung ang isang suspek ay nasugatan habang nasa kustodiya ng pulis at kung nilabag ang established rules of engagement.
Napag-alaman na tinaggal na sa puwesto ang tatlong pulis at pinagbabawalang makapasok sa PRO-6 headquarters.