-- Advertisements --

Nagsimula na ang “digital transformation” ng PNP para makasabay sa “new normal” dahil sa patuloy na paglaganap ng COVID-19.

Inanunsyo ni PNP chief Gen. Archie Francisco Gamboa, na epektibo kahapon ang PNP One Network at PNP Email System sa kabila ng pagkansela ng launching ceremony nito bilang pagtalima sa mga health protocols.

Sa pamamagitan aniya ng One Network System, ang lahat ng tanggapan ng PNP mula sa national headquarters hanggang sa Municipal Police Stations mula Itbayat, Batanes sa hilaga hanggang sa Sitangkai, Tawi-Tawi sa katimugan ay konektado na sa pamamagitan ng “digital backbone”.

Ipinagmalaki naman ni Gamboa ang kanilang One Network System ay isa sa autonomous government networks sa buong Pilipinas na kahanay ng Dept of Finance, SSS, GSIS at DOST.

Sa pamamagitan ng PNP Email System ang bawat pulis ay magkakaroon ng lifetime official email address sa kanilang network.

Una nang inanunsyo ni Gen. Gamboa na gagawin ng digital o online na ang karamihan sa mga operasyon ng PNP para mabawasan ang physical contact at makaiwas sa pagkahawa sa sakit ang kanilang personnel.