Pinangunahan ni PNP Chief PGen. Guillermo Eleazar ang send-off ceremony sa Camp Crame kahapon ang unang batch na binubuo ng 10 nurse mula sa PNP Health service na tutulong sa mga hospital sa pagtugon sa Covid-19 pandemic.
Ito’y matapos na lagdaan din kahapon ang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng PNP at Department of Health (DOH), alinsunod sa utos ng Pangulong Duterte sa PNP at AFP na magdeploy ng mga medical personnel sa mga pribado at pampublikong pagamutan.
Ayon kay DOH-NCR Director Gloria J Balboa, kulang ang kasalukuyang manpower ng mga ospital para tumugon sa mga pangangailangan ng mga Covid patients, kaya malaki ang kanilang pasasalamat sa PNP.
Sinabi naman ni Eleazar na laging handa ang PNP na tumulong sa mga programang pangkalusugan ng pamahalaan, kasabay ng pagpuri sa PNP medical personnel sa kanilang sakripisyo at dedikasyon para masiguro ang public health.
Ang unang batch ng mga nars ng PNP health service ay idedeploy sa Cardinal Santos Medical Center.