Sisilipin ng House quad committee ang paggamit umano ni dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Royina Garma sa diplomatic channel ng Philippine National Police (PNP) upang makapagpadala ng milyong halaga sa kanyang dating mister na dati ay nakatalaga sa Estados Unidos.
Nananatili pa ring palaisipan sa quad comm kung bakit magpapadala ng malaking halaga si Garma sa dati nitong asawa na si Police Colonel Roland Vilela.
Sa pagdinig ng komite noong Setyembre 27, lumabas ang mga ebidensya kaugnay ng umano’y paggamit ng diplomatic pouch ng PNP upang makapagpadala ng malaking halaga kay Vilela noong ito ay isang police attaché sa Philippine Consulate General sa Los Angeles, California sa pagitan ng 2020 at 2022.
Ang PNP diplomatic pouch ay ginagamit para sa opisyal na komunikasyon at suweldo ng attaché.
Sa pagtatanong ni Antipolo City 2nd District Rep. Romeo Acop sa mga opisyal ng PNP kabilang ang dating hepe ng Directorate for Intelligence bago naging PNP Chief na si Benjamin Acorda Jr., lumabas na posibleng magamit sa personal na interes.
Ayon kay Acorda may mga pagkakataon na kakailanganin ng dagdag na pera ng police attache at maaari itong idaan sa diplomatic pouch.
Tinanong din ni Acop kung maaaring gamitin ang diplomatic pouch sa personal transfer na kunwari ay isang opisyal na padala.
Sagot ni Acorda ay pwede rin.
Tinanong din ni Acop si Vilela kung mayroon itong tinanggap na pera sa diplomatic pouch bukod sa kanyang opisyal na sahod.
Inusisa rin ni Acop si Police Captain Delfinito Anuba na inuutusan umano ni Vilela at siyang nagpapalit ng peso para maging dollar na ipinadala sa kanya sa US.
Ayon kay Anuba inutusan siya ni Vilela upang magpapalit ng pera.
Sinabi ni Anuba na ang peso ay ibinigay sa kanya ni Sergeant Enecito Ubales Jr. upang ipapalit.
Hindi pa natutukoy ng komite kung para saan ang perang ipinadala kay Vilela at patuloy ang ginagawa nitong pangangalap ng dokumento at impormasyon.
Si Garma ay naging sentro ng imbestigasyon dahil sa pagiging malapit umano nito kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at sa kanyang papel sa implementasyon ng madugong war on drugs ng nakaraang administrasyon.
Sinabi ng self-confessed DDS hitman Arturo Lascañas na si Garma ay isa sa mga unang miyembro ng DDS at lider umano ng isang grupo ng mga hitmen.
Nakikipag-ugnayan si Lascañas sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng imbestigasyon nito sa war on drugs ni Duterte.
Itinanggi ni Garma ang mga alegasyon laban sa kanya.