Toto depensa si Philippine National Police (PNP) chief police dir. Gen. Ronald Dela Rosa kung bakit hindi nila agad inilabas ang report kaugnay sa pagkakaaresto sa tatlong miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa nagdaang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa Pilipinas.
Ayon kay Dela Rosa, hindi nila puwede ilabas agad sa media ang report dahil may ginagawa pa silang followup operations at ayaw nitong mabulilyaso.
Nilinaw naman ng PNP chief na hindi nila itinatago ang nasabing report at ayaw din nila na maalarma ang publiko ukol sa report.
“You can look at it that way and pwede rin ginagawa namin ‘yun dahil nga ongoing pa ‘yung followup operations. Just in case i-present ko sila kaagad sa media, ‘yung ibang hinahanap namin at pina-followup. malalaman kaagad nila so mahirap na maaga tayo mag-reveal ng information that would lead to failure of a follow up operation. So kaya namin hinold, we don’t want to give unnecessary anxiety sa public,” paliwanag ni Dela Rosa.
Sa ngayon ay patuloy ang profiling sa tatlong naarestong ASG member na mula pa sa Basilan.
Kanila aniyang inaalam ang lahat ng mga naging partisipasyon ng tatlong bandido kabilang na ang pagsuporta ng ilang politiko.
Pero sa ngayon wala pang ebidensiya na may mga politician ang nagbibigay suporta sa bandidong grupo.