Wala umanong nakikitang problema ang pamunuan ng National Capital Region Police Office (NCRPO)Â sa plano ng Gabriela na paimbestigahan sa Kamara ang paggamit ng pulisya ng sonic device sa mga raliyesta kahapon.
Sa panayam kay NCRPO chief Director Oscar Albayalde, sinabi nito na hindi na nila ikinagulat ang gagawing aksiyon ng Gabriela dahil lahat naman aniya ay gustong paimbestigahan ng mga militante.
Nanindigan naman si Albayalde na bahagi ng maximum tolerance ang paggamit nila ng lrad o long range acoustic device na lumilikha ng napakaingay na tunog para magdulot ng pansamantalang pagkairita sa pandinig ng mga raliyesta.
Paliwanag ng heneral, mas mainam na anya ito kaysa naman makalapit sa venue ng ASEANÂ Summit ang mga nagpoprotesta.
Giit ni Albayalde, matagal nang ginagamit ang lrad sa mga rally at ginagawan na lang anya ito ng isyu ng mga militante.
Nasa 28 pulis din ang nasugatan matapos magbalyahan ang mga ito sa mga raliyesta hanggang nauwi pa sa paggamit ng water cannon ng anti-riot police.