(Update) Dumipensa ngayon ang Philippine National Police (PNP) sa pagkakapatay sa umano’y 21 sangkot sa droga sa magkakahiwalay na lugar sa nakalipas na magdamag sa lalawigan ng Bulacan.
Giit ni PNP spokesperson C/Supt. Dionardo Carlos, walang anomalya ang isinagawang anti-illegal drugs operations mula alas-7:00 kagabi hanggang kaninang umaga sa mga lugar ng Pulilan, Balagtas, San Miguel, Plaridel, Guiguinto, Norzagaray, Malolos, San Jose del Monte, Sta. Maria at Baliuag sa lalawigan ng Bulacan.
Ayon kay Carlos, walang dahilan para pagdudahan ang Bulacan-Police Provincial Office (PPO) dahil nasawi ang mga nasabing drug personalities sa 21 isang operasyon
Ang kahina-hinala aniya ay kung ang 21 drug personalities na nasawi ay sa iisang operasyon lamang.
Pinuri naman ng PNP ang Bulacan police dahil ito raw ang pinakamasipag ngayon sa anti-illegal drug operation.
Sa data na inilabas ng Bulacan-PPO, lumalabas sa isinagawang 26 na operations sa magdamag, nasa 24 dito ay buy bust operations at dalawa naman ang pagsisilbi ng search warrant.
Nasa 64 drug personalities din ang naaresto sa naturang operasyon.
Habang 21 armas ang nasabat kung saan 17 rito ay revolvers, dalawang improvised shotgun, isang 9mm pistol at caliber .32.
Umaabot naman sa 100.25 gramo ng hinihinalaang shabu ang nasabat ng Bulacan PNP.
Una rito, kabilang sa mga napatay ay nakilala lamang sa mga alyas na Pugeng Manyak, Enan, Justin, Berth, Alvin, Chris, Egoy, Tom, Jerom, Jeffery, Elias, Yayot, Allan Tatô, Arnold, Willy, Eugene at Macoy.