Inirekomenda na ng Philippine National Police Firearms and Explosives Office ang pagbawi sa license to own and possess firearms ni Pastor Apollo Quiboloy.
Ayon kay FEO Public Information Office chief Maj. Lady Lou Gonzales, kasunod ito ng isinagawang deliberation ng Firearm Revocation and Restoration Board ng naturang yunit ng Pambansang Pulisya sa lisensya sa pagmamay-ari ng mga baril ni Quiboloy, isang “Ms. Canada”, at iba pa.
Aniya, nagsumite na ng resolusyon at rekomendasyon ang kanilang opisina hinggil sa usapin na ito sa Office of the Chief PNP.
Gayunpaman ay ipinauubaya na nito kay PNP Chief PGen. Rommel Francisco Marbil ang desisyon para sa pag-apruba sa rekomendasyon na ito.
Samantala, sa ngayon ay tumanggi muna ang mga kinauukulan kung sino ang iba pang mga indibidwal na kasamang inirekomendang i-revoke ang LTOPF habang hindi rin malinaw kung ano ang pagkakakilanlan ng tinukoy na “Ms. Canada” na kasama rin sa binawian ng lisensya.
Kung maaalala, una nang iniulat ni PNP Public Information Office chief PCol. Jean Fajardo na tinatayang mayroong 19 na armas si Pastor Quiboloy na nasa ilalim ng kaniyang pangalan.
Gayunpaman ay nilinaw niya na hindi pa rin maituturing na armed and dangerous ang naturang puganteng pastor dahil wala naman aniya itong record ng naging karahasan nito noon.