Malinaw na paglabag umano sa umiiral na firearm protocol ng PNP ang ginawa ni Police Master Sgt. Jonel Nuezca na namaril ng mag-ina sa Tarlac noong Linggo.
Ayon kay PNP spokesperson B/Gen. Ildibrandi Usana, paglabag ito sa administrative rules ng PNP dahil sa “personal agenda” ginamit ni Nuezca ang kanyang baril.
Dahil dito, tiyak na masisibak umano sa serbisyo si Nuezca oras na maresolba na ang kaso laban sa kanya.
Paglilinaw naman ni Usana, pinapayagan ang mga pulis na magdala ng baril kahit hindi naka-duty.
Giit ni Usana, 24/7 kasi ang function nila bilang tagapagpatupad ng batas at pwede nilang magamit ang baril sa pagresponde sa mga biglaang krimen at iba pang pagkakataon na nangangailangang tulong nila.
Gayunman, mahigpit na ipinagbabawal na gamitin ito sa personal na dahilan.