Nakahanda ng gamitin ng Philippine National Police (PNP) sa kanilang mga operasyon sa Pebrero ang mga body cameras na kanilang inorder ayon kay PNP Directorate for Logistics Director Maj. Gen. Angelito Casimiro.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Casimiro kaniyang sinabi na delivered na ang 2,686 na body camera units.
Matatandaang ibinigay ng PNP bids and awards committee nitong Disyembre 2019 sa EVI Distribution Inc. ang deal ng P289-million contract kasama ang pagkuha ng 2,600 piraso ng body worn cameras; accessories; video management software; computer servers; storage at connectivity systems para sa body cameras ganoong din ang paglalagay ng central data centers, , national management at monitoring center, 17 regional monitoring centers, at 81 provincial monitoring centers na susportahan ng system nito.
Sinabi ni Casimiro 100 percent delivered na rin sa 269 PNP sites at nainstall na rin yung 65 percent PLDT interconnectivity na kailangan nila ng connectivity doon sa site para sa system and configuration at nasa 46 percent na ang accomplishment nito.
Ayon pa kay Casimiro, target gamitin ang body cameras sa susunod na buwan at ang mga tauhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang siyang unang gagamit ng mga ito.
Nagbabalak din ang PNP Logistics na magsagawa ng seminat para duon sa mga users ng NCRPO para maintindihan nila yung protocol at paano ito gamitin.
Ituturo din sa mga pulis kung paano gamitin bilang ebidensya ang body camera sa korte.
Aminado si Casimiro na ang system ng body cam at ang paggamit nito ay complicated kaya dapat marunong talaga gumamit ang mga pulis.
Matatandaang kinailangang umorder ng mga body cameras ang PNP matapos ang mga pagdududa ng publiko sa mga nagaganap na extra judicial killings partikular sa war on drugs sa administrasyon ng Pangulong Rodrigo Duterte na kadalasang sinasabi ng pulis sa pagkamatay ng mga suspek sa kanilang mga operasyon ay dahil sa nanlaban ang mga ito.